Senate, Philippines – Panibagong Kongreso, panibagong hanay ng mga Senador at Mambabatas. Sa July 22, magbubukas ang 18th Congress at nakaamba ang posibleng pagbabago ng liderato.
Sa Senado, papasok na ang mga neophyte senators na sina Ronald “Bato” dela Rosa, Christopher Bong Go, Imee Marcos at Francis Tolentino.
Sila ang kabilang sa bubuo sa Hugpong ng Pagbabago-PDP bloc sa Senado.
Kasabay ng isyu ng agawan sa mga mamumuno sa mga komite, lumulutang na ang balita na isusulong na maging Senate president si Senator Cynthia Villar.
Ngunit Mayorya ng mga incumbent Senators ay nagpahayag na ng suporta sa kasalukuyang liderato ni Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, “I think Sen. Sotto will keep the Senate Presidency.”
Sa text message ni Senator-elect Bong Go, wala siyang alam na anumang pagsusulong ng Senate Presidency partikular na ang tungkol kay Villar.
Idineklara na rin ni Senator Villar na hindi siya interesado na maging Senate President.
Una ng sinabi ni Senator Sotto, na nagpahayag na ng suporta sa kaniya ang mga nasabing incoming Senators.
Ayon sa Senador, mahalaga sa liderato ang malaking bilang ng suporta ng mga kapwa mambabatas.
“The Senate presidency is always at the pleasure of the Members of the Majority.” Ani Sen. Vicente Sotto III.
Sa kabila ng isyu ng pagpapalit ng liderato, sina Senators Panfilo Lacson o Franklin Drilon ang nakikita ni Senator Sotto na maaaring pumalit sa kaniya sa pwesto.
(Nel Mribojoc | UNTV News)