METRO MANILA – Nanguna sa survey ng Pulse Asia si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 1st choice Presidential Survey, sinundan siya ni Manila Mayor Isko Moreno at pumangatlo naman si Dating Senator Bongbong Marcos.
Nasa pang-apat na pwesto si Senator Grace Poe habang panlima naman si Senator Manny Pacquiao
Ayon kay Political Science Professor Dennis Coronacion, posibleng sina Mayor Sara Duterte at MAYOR ISKO MORENO ang maging magkalaban sa halalan sa susunod na taon
“Kung sakaling sila mang sila talaga yung magiging magkatunggali , kung ang posisyon ng presidente, pareho sila Isko and Inday, based on the survey result, marami pa silang dapat gawin” ani UST Political Science Professor, Prof. Dennis Coronacion.
Pero ayon kay Coronacion, may posibilidad din naman na ang 2 alkalde ay mag-tandem sa halalan.
“Hindi pa natin masabi, baka magulat pa tayo, magkampihan pa yan” ani UST Political Science Professor, Prof. Dennis Coronacion.
Naiulat na rin ang pakikipag-alyansa ng partido ni Moreno na National Unity Party sa regional party na Hugpong ng Pagbabago ni Mayor Duterte.
Dagdag pa ni Coronacion, maaaring hindi na lalagpas sa tag-5 kandidato ang maaaring pumasok sa presidential at vice presidential race sa 2022 national elections. Batay na rin sa lumabas na survey.
“Baka hindi lalagapas sa top 5 both sa position ng president and vice president. Malaki kasing bagay ang resulta na yan, kasi yung mga kulelat atsaka yung mga nangunguna it gives them an idea whether to pursue their ambition or not” ani UST Political Science Professor, Prof. Dennis Coronacion
Sa ngayon ay wala pang mga pinal na desisyon ang lumulutang na mga pangalan na tatakbo sa pagkapangulo at bise presidente.
Inaasahan na magkakaroon na ng linaw kung sino ang mga kakandidato sa paparating na 2022 elections bago ang filing ng certificate of candidacy sa Oktubre.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: 2022 Election, presidential survey