Mayor Sara, inihayag ang Go-Duterte tandem sa 2022 elections

by Erika Endraca | August 26, 2021 (Thursday) | 5091

METRO MANILA – Inihayag ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Sara Duterte-Carpio na kinumpirma sa kaniya ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pagtakbo nito bilang bise presidente at ni Senator Bong Go bilang presidente.

Sinulatan din aniya siya ng pangulo para sa 2 bagay. Una, isang sulat na nagpapaliwanag kung bakit dapat niyang i-endorso Go-Duterte tandem at ang ikalawa, kunin niya si Senator Go bilang kanyang vice president.

Suhestyon ni sara sa presidente at senador, panindigan sa publiko ang desisyong tandem. Pinayuhan din ng presidential daughter ang 2 na ihinto na ang pagsasalita tungkol sa kaniya at wag siyang gawing dahilan ng kanilang pagtakbo o di pagtakbo sa halalan.

Sa halip aniya, dapat na lang ipresenta ng mga ito ang maiaalok sa publiko at tulong na magagawa para sa mga Pilipino.

Giit din ng alkalde, hindi siya last two minutes person at di rin siya political punching bag ng isang partido..

Sinabi ni President Duterte na handa siyang magbigay-daan kung tatakbong pangulo ang anak sa susunod na taon. Kinumpirma ito ng Malacañang officials.

“Kinukumpirma ko po yan na nanggaling yan sa bibig ng presidente, to be more exact, ang sabi niya, “kung tatakbo si Mayor Sara, Bong is out, ako naman dahil sa delikadeza, hindi pwedeng dalawang Duterte ang tatakbo, so if Sara runs, then she will have to choose her own vice president.” Yan po ang mga binitawang salita kahapon ng ating presidente.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

“Ang narinig ko lamang po, si Pangulong Duterte na sinabi niya po na kapag tumakbo si Mayor Inday sara sa pagkapresidente ang sinabi niya po ay hindi siya tutuloy as it stands sa kaniyang pagiisip ,as its right now ang kaniyang sinabi hindi niya gusto na magkaroon ng ganyang tandem, kung tatakbo si Mayor Inday hindi na siya tatakbo, parang isang Duterte tatakbo, ngayon si Senator Bong Go always consistent if Mayor Sara Runs hindi rin siya tatakbo sa pagkapresidente, not given statement yet kung tatakbo, sinasabi niya last na siya last siya” ani Cabinet secretary/ PDP-Laban Executive VP Sec. Karlo Nograles.

Sa kabila naman ng kontrobersya, itutuloy ng pdp laban ang planong pormal na nominasyon kay Pangulong Duterte bilang Vice Presidential Contender at Senator Bong Go bilang presidential candidate sa September 8 national convention ng partido.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,