Stable na ang kondisyon ngayon sa ospital ni Calauag, Laguna Mayor George Berris matapos siyang masugatan sa isang ambush kahapon.
Nagtamo ng tama ng kalibre 45 na baril sa dibdib at tiyan si Berris matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nakasakay sa kanyang sasakyan.
Patay naman ang dalawa pa niyang kasamahan na sina Emmanuel Peña na kumakandidatong konsehal sa Calauan at ang driver cum body guard ni Berris na si Leonardo Taningco.
Nangyari ang insidente dalawang araw matapos magsimula ang campaign period para sa mga lokal na kandidato sa 2016 elections.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Calauan Police, papaalis na ang grupo ni Mayor Berris sa general assembly ng isang kooperatiba sa Barangay Imok nang bigla silang lapitan ng gunman at paputukan.
Bagaman sugatan ay nagawa pa umanong itakbo ng driver ng sasakyan ng ilang metro hanggang sa bumangga sa isang tindahan sa kabilang kalsada.
Na-recover naman ng pulisya ang inabandonang getaway vehicle ng suspek sa bahagi ng San Pablo, Laguna.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Mayor Berris ukol sa insidente.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya.
(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)