Nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na maaari pang makapagbukas ang Isetann Cinerama Complex sa Recto,Maynila.
Ayon sa Alkalde, ito ay kapag naayos na nito ang business permits na kinakailangan para sa kanilang operasyon. Kaya naman wala umanong dapat ikatakot ang mga empleyado nito. Nakipag-pulong na rin aniya sa kanya ang mga opisyal ng Isetann mall kagabi.
Nauna nang sinabi ng pamunuan ng Isetann na tatalima sila sa kautusan ng Alkalde at agad-agad na aayusin ang kanilang mga papeles.
Patuloy na rin ang pagkwenta ng pamahalaang lungsod sa kabuuang halaga ng pagkakautang ng naturang mall.
Dagdag pa ni Domagoso, may mga ilang mall na rin aniya silang ipinagpapaliwanag na nakitaan din umano ng mga paglabag.
“Iba ‘yung revocation sa closure. Closure, pansamantala ka naming isinasara dala nang hindi ka nagko-comply sa requirements,” ani Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
“’yun ang challenge ko sa kanila. Buksan niyo ng Biyernes. Bakit? Kung magfa-file sila ng business permit ngayong araw na ito, magbayad sila ng buwis, ay wala nang usapan,” dagdag ni Mayor Isko Moreno.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: Isetann mall, Mayor Isko Moreno