Mayor Isko Moreno, nadismaya sa naabutang kalat sa Divisoria

by Radyo La Verdad | November 11, 2019 (Monday) | 8227

Metro Manila, Philippines – Hindi makapaniwala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang nadatnan sa bahagi ng Ylaya Street sa Divisoria kaninang umaga, Nov. 11, 2019. Bundok na basura na iniwan ng mga night vendor ang tumambad sa kanya. Halos hindi makapagsalita sa pagkadismaya si Yorme sa kanyang nakita at naabutan.

Maya-maya pa ay hindi rin nito napigilang maglabas ng galit sa kawalan ng disiplina ng ilang mga nagtitinda sa Divisoria.

“Kayo ba ay hindi nahihiya? O talagang baboy rin kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayong sorpresahin. Pinaghahanap buhay ko na nga kayo,” ani Manila Mayor Isko Moreno.

At kahit anong bawi ang gawin ng ilan sa mga vendor naabutan niya sa lugar, tila wala sa mood ang Alkalde upang makipag-usap sa kanila.

Binati ito ng isang vendor ng good morning Mayor ngunit sinagot ito ng, “Walang magandang umanagang ganyan!

Bunsod nito, nagpasya si Mayor Isko na ipatigil na ang mga nagtitinda sa gabi.

“ ‘Di ba pinapayagan natin sila sa gabi para makapagtinda sila? Kung ganyan rin lang ang iiwan nila sa atin araw-araw, oh di tigil na silang lahat!” Dagdag ni Mayor Isko Moreno.

Mahigpit rin niyang ipinagbilin sa lahat ng police station sa lugar na bente kwatro oras na bantayan ang mga kalsada sa Divisoria partikular ang Ylaya upang matiyak na hindi na makababalik ang mga vendor dito sa gabi.

(Asher Cadapan, Jr.| UNTV News)

Tags: , ,