Mayor Isko Moreno, bukas sa ‘waste to energy’ bilang solusyon sa problema sa basura

by Radyo La Verdad | October 3, 2019 (Thursday) | 1280

‘Dugyot at libagin,’ ganito inilarawan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang Maynila bago siya maupo, kaya naman kanyang pangako — kanyang lilinisin ang Maynila.

Sa 2016 report ng National Solid Waste Management Commission, mahigit siyam na libong tonelada ng basura ang nage-generate sa National Capital Region kada araw na siyang pinakamarami sa buong bansa.

Sa isang pag-aaral naman ng World Bank, inaasahan na tataas pa ang porsyento ng solid waste sa bansa na aabot sa pitumpu’t pitong libong tonelada kada araw dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng populasyon sa taong 2025. Sa Maynila naman, umabot na sa mahigit isang daang libong tonelada ng basura ang nahahakot kada buwan.

Ayon kay Department of Public Service Chief Kenneth Amurao, isa ang kawalang disiplina ng ilan sa mga nakikita nilang pagsubok sa pagresolba ng problema sa basura. May ilan aniya na hindi naglalabas ng kanilang basura sa oras ng paghahakot kaya ang resulta — naiiwang nakatambak sa labas ang mga basura.

Bukod sa DPS, katuwang nito ang dalawang contractor sa paghahakot ng basura sa mahigit walong daang Baranggay sa Maynila na dinadala sa pier 18 bago dalhin sa Navotas.

Kaya naman isa sa kanilang pinagtutuunan ng pansin ay ang waste diversion at recycling upang mabawasan ang mga basura sa Maynila na napupunta lamang sa tambakan. Isa na rito ay ang paggawa ng mga ecobins na balak nilang ipakalat sa mga eskwelahan sa Maynila.

Nariyan din ang ecobins na gawa sa malalaking bote ng plastik at foil wrappers. Pati na rin ang paggamit ng trash crasher upang mas mapadali ang paghahakot nila ng mga basura.

Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang mga bansang nag-alok ng tulong sa paghahawak ng basura lungsod katulad na lamang ng “waste to energy” kung saang maaaring gamitin sa pagsuplay ng kuryente ang enerhiya na magmumula sa pagproseso sa basura. Isa na rito ang bansang Belgium matapos makita ang tone-toneladang basura na nakolekta sa Baseco beach noong International Coastal Clean-up noong september 21.

Nag-alok na rin ang bansang Korea na siya namang ikinatuwa ng Alkalde.

Ayon kay Domagoso, malaking tulong ito sa pagresolba sa problema sa basura basta’t wala itong malalabag na batas.

 “If that will be allowed by law, by our environmental laws, why can we not adopt it? Because other countries are doing it already,” ani Manilac Mayor Isko Moreno Domagoso.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: