May sugat o wala na na-expose sa baha, posibleng magkaroon ng leptospirosis – DOH

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 5432

Lahat ng sinomang lulusong o kahit matalsikan lang ng tubig baha ay maaari nang magkaroon ng leptospirosis may sugat man sa katawan o wala ayon Department of Health (DOH).

Gaya ng kaso ni Jeff na ngayon ay dina-dialysys na dahil sa leptospirosis. Hindi siya direktang lumusong sa baha pero na-expose siya sa maruming tubig sa kalsada.

Ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, hindi lang ang may sugat sa katawan ang maaaring kapitan ng sakit na leptospirosis, maaari din itong makuha kung matalsikan ng tubig baha ang mata, ilong, bibig at tenga.

May posibilidad din na pumasok ito sa maseselang bahagi ng katawan ng tao lalo na kung lumusong sa hanggang bewang na tubig baha.

Sa East Avenue Medical Center, karamihan ng mga pasyente ay kinakitaan ng severe leptospirosis dahil hindi naagapan.

Gaya ni Mang Juan na hindi agad nagpakonsulta sa doktor dahil ang buong akala niya ay simpleng lagnat lang ang kanyang nararamdaman.

Payo ng DOH sa publiko, kapag lumusong sa baha ay agad magpakonsulta sa doktor upang makaiwas sa nakamamatay na sakit na leptospirosis, lalo’t inaasahan umanong lalo pang tataas ang kaso nito dahil sa patuloy na pag-ulan.

Sa National Capital Region (NCR) palang ay nakapagtala na ng 261 na mga kaso at 40 ang namatay.

Nakabantay din ang DOH sa mga rehiyon sa Visayas at Mindanao na may mataas na kaso ng leptospirosis.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,