Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation si Gerardo Santiago, ang may-ari ng puneraryang pinagdalhan sa mga labi ng negosyanteng koreano na si Jee Ick Joo.
Pasado alas 6 kaninang umaga nang dumating si Santiago galing Toronto, Canada at agad na sinundo sa airport ng mga tauhan ng NBI.
Sa salaysay ng isa sa mga akusadong si SPO4 Roy Villegas, si Santiago umano ang tinawagan ni SPO3 Ricky Sta.Isabel upang tanggapin ang bangkay ng biktima kapalit ng 30-thousand pesos at isang golf set.
Ngunit ayon kay Santiago, bumalik siya ng bansa dahil inosente siya sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano.
Tumangging magbigay ng ibang detalye si santiago dahil nais muna niyang makausap ang kanyang abogado ngunit handa umano siyang sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, humingi ng proteksyon sa NBI si Santiago dahil dalawang grupo umano ang nagbabanta sa kanya.
Naniniwala ang kalihim na malaki ang maitutulong ni Santiago upang mabigyang-linaw ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano.
Kukunan muna ng salaysay si santiago bago magpasya ang DOJ kung tatanggapin ito sa Witness Protection Program.
Samantala, naghain na ng mosyon sa DOJ ang PNP-Anti Kidnapping upang baguhin ang pangalan ng dalawa sa mga akusado.
Si Supt. Rafael Dumlao the third umano ang alyas ‘Sir Dumlao’ at ang may-ari ng punerarya na si Gerardo Santiago naman ang tinutukoy na alyas ‘Ding’.
Ipinadadagdag rin sa mga akusado ang isang Christopher Alan Gruenberg na may-ari umano ng isa sa mga sasakyang ginamit sa pagdukot sa biktima.
Ngunit ayon kay Gruenberg, wala na siyang alam tungkol sa naturang sasakyan mula nang maibenta niya ito noong 2010.
Naghain na rin ng mosyon sa Angeles City RTC ang Public Attorney’s Office upang muling maimbestigahan ang kaso sa DOJ.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: iginiit na inosente siya sa pagdukot at pagpatay sa biktima, May-ari ng puneraryang pinagdalhan sa labi ni Jee Ick Joo