Pinababantayan na ng Department of Justice ang posibleng pag-alis ng bansa ni Alexander Wong Chu King, ang may-ari ng Mighty Corporation, at ng kapatid nito na si caesar dy wong chu king.
Dalawang magkahiwalay na immigration lookout bulletin order ang inilabas ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II laban sa magkapatid.
Sa ilalim ng inisyung ILBO, inaatasan ang mga immigration officer na agad ipaalam sa tanggapan ng kalihim ang anomang pagtatangka ng magkapatid na umalis ng bansa.
Paliwanag ng DOJ, itinuturing na suspek si Alexander Wong Chu King sa imbestigasyon sa umano’y smuggling ng sigarilyo na kinasasangkutan ng kanyang kumpanya.
Nakipag-usap na ito kay Secretary Aguirre noong Martes kasama ang kanyang abogadong si Atty. Sigfrid Fortun at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon sa isyu.
Ayon naman sa BIR, dati nang iniimbestigahan ang Mighty Corporation dahil sa hindi nababayarang excise tax sa kanilang mga produkto.
Noong nakaraang linggo, dalawang bilyong pisong halaga ng umano’y mga pekeng mighty cigarettes ang kinumpiska ng Bureau of Customs sa Pampanga.
Tatlong empleyado naman umano ng Mighty Corporation ang inaresto kahapon sa Paranaque City dahil sa pagtatapon ng kahon-kahong sigarilyo sa isang lugar doon.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)