May-ari ng mga tindahan sa Albay na lumabag sa umiiral na price freeze at price tag law, kinasuhan ng DTI

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 4463

Nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa price tag law at sa umiiral na price freeze ang mga may-ari ng walong tindahan sa probinsya ng Albay. Ito ay matapos magbenta ng ilang produkto ang naturang mga tindahan na higit sa itinakdang suggested retail price o SRP at hindi naglalagay ng price tag sa kanilang paninda.

Mahigpit na binabantayan ng Department of Trade and Industry ang implementasyon ng price freeze sa Albay lalo’t nasa state of calamity ang probinsya.

Wala ng warning na ibinibigay ang Department of Trade and Industry, kapag nakita nilang lumabag sa price freeze at price tag law, kaso na ang kasunod nito. Magmumulta ng limang daan hanggang isang daan at limampung libong piso ang mga nakalabag.

Samantala, nagsagawa ng diskwento caravan ang DTI sa ilang evacuation center sa Albay. Mabibili ng mga evacuee ang mga basic commodity gaya ng sardinas, kape at iba pa sa murang halaga.

Sinigurado naman ng emisaryo ng Pangulo sa Albay na si Sec. Francis Tolentino na sapat pa rin ang pagkain para sa mga evacuee. Inamin ni Tolentino na nagkaproblema kamakailan sa stock na bigas subalit nasolusyunan na ito ng National Food Authority.

Kahapon naman ay natanggap na ng provincial government ang 30 million pesos na tulong mula sa PCSO at hahati-hatiin sa mga apektadong bayan sa Albay.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,