Matatanggap na umento sa sahod ng Metro Manila workers, hindi sapat – TUCP

by Radyo La Verdad | November 1, 2018 (Thursday) | 5670

Bente singko pesos ang matatanggap na wage increase o dagdag sa arawang kita ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ito ang naging resulta ng pag-uusap sa wage board.

Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, pagkatapos ng deliberasyon ng wage board kagabi ay inunahan na ng employers group na i-anunsyo ang dagdag na sahod.

Dismayado ang ALU-TUCP dahil malayo sa kanilang hiling na P344 na umento sa sahod ang inaprubahan ng board.

Kung madadagdagan nga ng P25 ang arawang kita ng mga manggagawa ay magiging sa P537 na ang minimum wage sa Metro Manila, kasama na dito ang dati nang tinatanggap na P10 cost of living allowance (COLA).

Ayon naman sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), kahit P25 lang ang magiging umento sa sahod ay maaaring maapektuhan parin nito ang ilang nagpapasweldo.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvertre Bello III, hindi pa nila natatanggap ang rekomendasyon ng wage board at posibleng sa Lunes ay siya mismo ang mag-anunsyo kung magkano nga ang dagdag sahod.

Iaapela ng TUCP ang panibagong wage increase sa oras na opisyal na ianunsyo ito ng DOLE.

At kung hindi anila ito magbabago ay agad silang maghahain ng panibagong wage increase petition sa mga susunod na buwan lalo na’t patuloy na tumataas ang presyo ng pangunahing bilihin at maging ang langis.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,