METRO MANILA – Kasabay ng paglipat ng Pilipinas sa low-risk classification ng COVID-19, naghahanda na ang gobyerno para sa pagpapatupad ng COVID-19 Alert Level 1.
Ayon sa Duterte administration, katumbas ito ng tinatawag na New Normal.
Gayunman, ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na ilang kondisyon ang kinakailangan bago maabot ang antas na ito.
Partikular na ang mataas na vaccination coverage at patuloy na pagsunod sa health protocols.
Isinasapinal na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang plano para sa ipatutupad na COVID-19 Alert Level 1 o New Normal.
Sa ilalim nito, papayagan na ang full on-site o venue at seating capacity sa lahat ng establisyImento at aktibidad basta’t napananatili ang pagsunod at pagpapatupad ng ng minimum public health standards.
Giit naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat paghandaang mabuti ang transition upang mapanatiling ligtas ang publiko kahit magluwag pa ng restrictions. Ganito rin ang posisyon ng octa research team.
“Let’s prepare, paghandaan natin ang pag-transition sa Alert Level 1 in the coming weeks or months” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire
“I think this time dapat sisimulan na talaga natin yung discussions at yung pag-aaral kung ano yung magiging epekto nito, ano yung magiging resulta nito at ano yung mga magiging policies natin kase dalawang taon na tayo e kumbaga baka magulat tayo kapag nag-transition tayo into a new normal so kailangang may advance preparation.” ani Octa Research Team Fellow, Prof. Guido David
Lunes ng gabi (February 14) sa public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag ni Presidential Adviser on COVID-19 Response Vince Dizon na sa buwan ng Marso balak ipresenta ng National Task Force Against COVID-19 sa pangulo ang bagong roadmap na makatutulong patungo sa pagkakaroon ng tila normalidad sa bansa.
Dalawang taon ito matapos ang mahigpit na pagpapatupad ng mga COVID-19 restrictions.
(Rosalie Coz | UNTV News)