Mastermind sa pagpatay kay N.E. Mayor Ferdinand Bote, tukoy na ng PNP

by Radyo La Verdad | July 16, 2018 (Monday) | 6855

Hawak na ng PNP ang tatlo sa walong suspek sa pagpaslang kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Dalawa sa mga ito ay nahuli sa checkpoint sa Camarines Sur na kinilalang sina Florencio Suarez at Robert Gumatay.

Habang sumuko naman si Architect Arnold Gamboa na siyang nagmaneho ng Toyota Avanza, ang get away vehicle na ginamit ng mga suspek matapos ang pamamaslang sa alkalde.

Tukoy na rin ng PNP ang umano’y mastermind sa pamamaslang na kinilalang si Christian Saquilabon, may-ari ng forthright construction.

Ayon sa PNP, away sa kontrata ng 69 milyong piso na konstruksyon ng Minalungao tourism area ang motibo sa krimen.

Ayon pa kay Corpus, nakuha ng kumpanya ni Saquilabon ang kontrata sa nasabing proyekto ng Department of Works and Highways (DPWH) subalit ginigipit umano ang mga ito ni Mayor Bote lalo na’t ang alkalde ang nag request sa DPWH na pagandahin ang daan patungo sa Minalungao.

Iimbestigahan din ng PNP kung mayroon pang mas mataas kay Saquilabon na nag-utos na ipapatay si Mayor Bote.

Kaugnay nito, itinuturing nang lutas pero hindi pa tapos ang kaso sa pagpaslang sa alkalde.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,