Masbate governor Rizalina Lanete, naghain ng not guilty plea sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam

by dennis | April 8, 2015 (Wednesday) | 1375
Masbate Gov. Rizalina Lanete (nakatalikod), habang binabasahan ng sakdal ng Sandiganbayan 4th division
Masbate Gov. Rizalina Lanete, habang binabasahan ng sakdal ng Sandiganbayan 4th division

Binasahan na ng sakdal ng Sandiganbayan 4th division si dating Masbate representative at ngayoy Governor Rizalina Leachon-Lanete sa kasong kinakaharap nito kaugnay ng PDAF scam.

Not guilty plea ang inihain ni Masbate Gov. Rizalina Lanete, at kapwa akusado nitong si Janet Lim Napoles, apat na opisyal mula Department of Budget and Management at iba pang indibiduwal sa kasong plunder.

Kaparehong plea rin ang ipinasok ng mga akusado sa 11 counts ng graft.

Ayon sa abogado ni Lanete na Atty. Laurence Arroyo, naninindigan silang walang kinalaman sa PDAF scam ang gobernadora dahil pineke lang umano ang kanyang mga pirma sa mga dokumentong ginamit na ebidensya laban sa kanya.

Samantala hindi naman nabasahan ng sakdal sina John Raymund de Asis at Jose Sumalpong na at-large pa rin at hindi pa natutunton ng awtoridad.

Dumagsa naman ang mga supporter ni Lanete ngayong araw sa Sandiganbayan na nag-alay pa ng dasal para sa kanilang gobernadora. Naghain na rin ng petition for bail ang kampo ni Lanete at Napoles na diringgin na ng anti-graft court sa May 6.

Kasalukuyang nakaditine si Gov. Lanete sa Camp Bagong Diwa dahil sa plunder at 11 kaso ng katiwalian dahil sa umanoy pagkamal ng mahigit P108 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na inendorso nito sa umanoy pekeng NGOs ni Janet Lim Napoles.(Joyce Balancio/UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,