Masamang ekonomiya at P12-T utang ng Pilipinas, ilan lang sa mga mamanahin ng susunod na pangulo – Sen. Lacson

by Erika Endraca | February 3, 2021 (Wednesday) | 872

METRO MANILA – ‘Apply now, suffer later’ ito ang mensahe ni Senator Panfilo Lacson na tila para sa mga nais tumakbo sa pagkapresidente sa 2022.

Sa isang tweet, nilista ng senador ang mamanahin umano ng susunod na uupong pangulo ng bansa.

Una na riyan ang masamang ekonomiya; sunod ang isyu sa West Philippine sea; ang Covid-19 pandemic at utang ng Pilipinas na aabot sa P12-T.

Bago nito, sinabi ni Pangulong Rodrigo duterte na lumulubog na ang ekonomiya dahil sa epekto ng Covid-19.

Nasa P2-B rin umano ang nawawalang kita araw-araw na para sana sa mga manggagawang pilipino dahil hindi gumagalaw ang ekonomiya.

Pero ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, aabot sa halos P4-B ang nawawalang kita kada araw noong nakaraang taon.

Si Senate Minority Leader Franklin Drilon, nangangamba na magreresulta sa mas seryosong problema ang lumalalang ekonomiya kapag hindi naagapan kaya dapat aniyang magbigay ng komprehensibong plano ang economic managers kung paano makababangon ang ekonomiya.

Batay sa 4TH quarter survey ng social weather stations noong 2020, bumaba sa 27.3% o nasa 12.7-M ang bilang ng walang trabaho sa labor force noong Nobyembre.

Mas mababa ito ng 12 points mula sa 39.5% o 23.7 million na naitala noong September 2020.
Pero ang taong 2020 na ang may pinakamataas na average joblessness rate na 37.4%.

Pero giit ni Senator Risa Hontiveros, hindi umano dapat ganito karami ang nawalan ng trabaho kung inuna sana ang budget para sa health sector na siyang susi sa paglutas umano sa pandemya.

Pare-pareho naman daw na bagsak ang ekonomiya ng ibang mga bansa pero pilipinas umano ang makararanas ng pinakamahabang kalbaryo.

Pagtitiyak naman ni Senate President Vicente Sotto III, patuloy ang pagpasa ng mga panukalang batas sa senado para sa economic recovery ng bansa.

Ayon naman kay Senator Bong Go, pinag-uusapan na umano ng kongreso at ng economic managers ang pagsulong sa ikatlong bayanihan law.

Sa senado, nakabinbin pa sa komite ang panukalang P485-B na bayanihan to rebuild as one bill na inihain ni Sen. Recto noong Disyembre.

Nitong buwan, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang extension ng mga natitirang pondo sa bayanihan 2 hanggang June 30, 2021 at ng 2020 national budget hanggang katapusan ng 2021.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: