Sa kauna-unahang pagkakataon, mismong sa live episode kahapon ng programang Get it Straight with Daniel Razon, iprisinita ng grupong Stop and Go Transport Coalition ang jeepney na kanilang nirehabilitate alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Ika-13 ng Pebrero 2018 nang magkaharap noon sa Get it Straight with Daniel Razon sina Stop and Go Coalition President Jun Magno at si Department of Transportation Undersecretary Thomas Orbos, kung saan hinamon ng opisyal si Magno na magrehabilitate ng jeep na mas mura ngunit dapat ay pasok sa itinakdang standards ng DOTr at Department of Trade and Industry.
Makalipas ang apat na buwan, muling nagkaharap sa programa ang dalawa kahapon. Alinsunod sa itinakdang standards, nasa harapan na ang pintuan ng sasakyan. Mataas na rin ang bubong nito kaya’t makakatayo na ang mga pasahero.
Matapos ang rehabilitasyon, ang dating dalawampung taong jeep, ngayon ay tila brand new na ayon sa transport group.
Ayon sa Stop and Go Transport Coalition, umabot sa kabuoang 595,000 ang kanilang ginastos sa pagrehabilitate sa jeep. Nakapaloob dito ang 45,000 na ginamit para sa reconditioning ng makina, habang inabot naman ng 450,000 ang gastos sa pagpapagawa ng kaha at iba pang mga accessory sa jeep, habang isang libo naman sa reconditioning ng chasis.
Giit ng grupo, posible talagang irehabilitate na lamang ang mga jeep upang makasunod sa PUV modernization na hindi gumagastos ng malaking halaga.
Paliwanag naman ni Usec. Orbos, ikokonsidera nila ang jeep na pinaghirapang buoin ng grupo subalit nangangailangan pa rin aniya na ipasuri ito sa DTI at DENR.
Samantala, aktwal ring sinubukan kahapon ang nirehab na jeep kung saan personal pang sumakay si Kuya Daniel at Usec. Orbos. At sa gitna ng talakayan, muling pinakiusapan ni Orbos ang grupo ang bumuo ng isang jeep na may bagong chasis at engine.
Ngunit hirit ng grupo, mangangailangan pa sila ng dagdag na pondo para dito.
Nangako si Kuya Daniel na tutulungan ang Stop and Go Coalition. Pagkatapos ng programa, agad na nagtungo ang grupo ni Magno sa LTFRB upang iprisinta ang nirehab na jeep.
Matapos ang isinagawang demonstration, sunod na ipiprinsinta ng transport group ang jeepney unit sa DTI, DENR at LTO na tututukan pa rin ng programang Get it Straight with Daniel Razon.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DOTr, jeep, Stop and Go Coalition