Mas murang imported na galunggong, direktang mabibili ng mga consumer sa palengke

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 5966

Sa kabila ng pagtutol ng iba’t-ibang mga grupo, tuloy ang pag-aangkat ng pamahalaan ng isdang galunggong. Mabibili ang mga ito sa merkado simula sa Setyembre.

17,000 metric tons ng galunggong ang planong angkatin ng Pilipinas sa ibang bansa. Ngayong taon ang kauna-unahang pagkakataon na aangkat ng galunggong ang Pilipinas at ibebenta sa mga consumer.

Ayon naman sa mga consumer group, hindi na ito kailangan at makakaapekto pa sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Sa Kamuning Market, matumal na ang bentahan ng galunggong, humahanap na daw ang mga mamimili ng ibang alternatibo.

Ang presyo ng galunggong ang isa sa itinuturing na sukatan ng ekonomiya sa bansa. Kapag tumataas ang presyo ng galunggong, kaakibat nito ang paghihirap ng mga Pilipino.

Pinatunayan ito ng pinakahuling ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Ayon sa NEDA, ang mataas na presyo ng isda ang pinaka naging dahilan ng pag-angat ng inflation.

Kung ikukumpara sa ibang produkto, nangunguna ang isda sa may pinaka malaking naiambag sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Sa pagsisimula ng 2018, nasa 140 kada kilo ang presyo ng galunggong, pero ngayong buwan umaabot na ito sa 180 hanggang 200 piso kada kilo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,