Mataas pa rin ang posibilidad na makaranas ng global recession ngayong 2023 ayon sa economic forecasts ng mga major financial analysts.
Ayon sa Center for Economics and Business Research, ang recession prediction ay resulta ng pagtaas ng mga Central Banks ng interest rates dahil sa worldwide recession.
Sinangayunan naman ito ng 2023 forecast ng International Monetary Fund. Ayon sa IMF, ang 2023 global economic growth ay babagsak sa 2.7%, pinaka mahinang taon mula noong 2001.
Ayon naman sa JP Morgan and Company, posible ang recession sa US economy bago dumating ang taong 2024.
Dagdag naman ng Goldman Sach Research Group, posibleng magsimula ng mahina ang economic growth sa karamihan ng bansa sa Asia Pacific sa unang quarter ng 2023.
Para sa mga economists, may tatlong factors na magiging driving force ng economic rise o downturn sa mundo ngayong taon. Ito ay ang susunod na mga hakbang ng mga Central Banks upang labanan ang inflation, ang muling pagbubukas ng Chinese economy at ang energy prices.
Ang patuloy na pagtaas ng interest rates upang pababain ang record inflation ayon sa mga analysts ay magpapabagal ng paglago ng ekomoniya ng mga bansa.
Ngunit nagkakaisa ang IMF, European Central Bank, US Federal Reserve atbp na kinakailangan ang patuloy na interest hikes upang ibalik sa 2% ang inflation rate ng mga bansa.
Ang muling pagbubukas naman ng Chinese economy ay makapagbibigay ng economic boost sa mundo ngayong 2023, ngunit ang Covid-19 outbreak sa bansa ay posibleng magdulot muli ng pressure sa global health care system at panibagong variants na magreresulta sa major economic setbacks.
Samantala, ang patuloy na giyera sa Ukraine at pagtaas ng Chinese energy demands dahil sa pagbubukas nito ay magpapataas ng presyo ng gasolina, langis at natural gas sa 2023.
Inonie Ramos | UNTV News
Tags: Global economy, Global recession