Naisapinal na kahapon ng Bicameral Conference Committee ang panukalang batas na babago sa 21-year na charter ng Social Security System (SSS).
Kabilang sa nakapaloob sa panukala ang compulsory coverage ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Gaya ng isang pangkaraniwang empleyado, ang employers ay may bahagi sa babayarang kontribusyon ng OFW. Mas malaki rin ngayon ang makukuhang mga pautang gaya ng salary loan at retirement benefits sa ilalim ng bagong charter.
Sa pagtataya ng mga mambabatas, mula sa kasalukuyang 16,000 piso na salary loan, maaari itong umabot ng 20,000 hanggang 35,000 piso. Ibababa rin sa 2 porsyento ang penalty sa overdue contributions mula sa 3 porsyento.
Magkakaroon na rin ng tinatawag na unemployment insurance, kung saan ang mga mawawalan ng trabaho ay makakakuha ng benepisyo sa loob ng dalawang buwan. Kada buwan ay makakakuha sila sa SSS ng kalahati ng kanilang tinatanggap na monthly salary.
Ang uupong chairman ng Social Security Commission ay ang mismong secretary ng Finance Department.
Ang Presidential appointee naman ay dapat pumasok sa kwalipikasyon at hindi na maaari ang political accomodations.
Nasa diskresyon na rin ng board of directors kung itataas ang monthly contributions na hindi na kinakailangan ng approval ng pangulo o endorsement mula sa Kongreso.
Ayon sa SSS, pagkakataon na ito ng mga inactive members na samantalahin ang napipintong reporma sa state insurance.
Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay bago ito ay maging ganap na batas.
At bago matapos ang taon ay inaasahang aaprubahan na ito ng Pangulo.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )