MANILA, Philippines – Umaabot sa 19-20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kada taon kung saan 8-9 sa mga ito ay tumatama sa bansa.
Sa nakuhang datos ni Dr. Gerry Bagtasa ng Up Institute of Environmental Science and Meteorology, sa nakalipas na 50 taon ay napansin niyang nagbabago ang direksyon ng mga bagyo pa hilaga partikular sa Taiwan.
Sa mga nagdaan aniyang dekada lalo na mula noong taong 2000 ay dumadaan pa nga sa Mindanao ang mga bagyo gaya ni Pablo na nanalasa sa bansa noong 2012 at Sendong noong 2011.
Pero kahit palihis na sa pilipinas ang direksyon ng mga bagyo, mas marami naman ang naitatalang ulan sa bansa.
Nadagdagan aniya ng nasa 30% ang ulan dahil sa habagat na pinalalakas ng bagyo at 10-15% naman ang dagdag ng ulan dahil sa mga bagyong tumatama o direktang nakakaapekto sa bansa.
Noong 1960 aniya ay nasa 18 araw lamang sa isang taon nakararanas ang Pilipinas ng malakas na habagat subalit ngayon ay umaabot na sa 26 na araw o halos 1 buwan.
“Yung bagyo kasi pag nasa tabi siya ng taiwan yun yung humihila ng habagat. Ngayon mas marami yung bagyong pumupunta roon” ani Up Institute of Environmental Science and Meteorology Dr. Gerry Bagtasa.
Ayon kay Dr. Bagtasa, mula taong 2022 hanggang 2050 naman ay posibleng tumaas pa ang direksyon ng bagyo at mas madalas namang tatama sa Japan. Ang epekto naman nito ay posibleng mabawasan ang ulan sa Pilipinas kung saan malaking porsiyento ay nanggagaling ang imbak na tubig ng mga dam.
“Imagine natin kung nawala itong bagyong to, kalahati ng tubig natin mawawala, kalahati ng fresh water” ani Up Institute of Environmental Science and Meteorology Dr. Gerry Bagtasa.
Samantala ang pagbabago ng direksyon ng mga bagyo ay iniuugnay sa pagbabago ng klima.
“Maaaring manifestation ito ng climate change. Kasi sa nakikita ng ibang mga pagaaral sa paginit ng karagatan dito sa may indonesia, pag umiinit yung dagat doon yung mga bagyo medyo umaakyat papuntang taiwan” ani Up Institute of Environmental Science and Meteorology Dr. Gerry Bagtasa.
(Rey Pelayo | Untv News)
Tags: bagyo, PAGASA-DOST, scientist, ulan