Mas maraming Pilipino, nagtitiwala pa rin sa Amerika at Japan kaysa China at Russia ayon sa Pulse Asia Survey

by Radyo La Verdad | January 12, 2017 (Thursday) | 1398

aga_pulse-asia
Ang United States of America pa rin at ang bansang Japan ang pinaka-pinagtitiwalang mga bansa ng mas nakararaming Pilipino.

Batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia, mataas ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa Amerika na may 76 percent, kasunod ang Japan at Great Britain.

Kapwa naman 38-percent ang nakuhang trust ratings ng mga bansang Russia at China mula sa mga Pilipino.

Sa Distrust Rating naman ay nanguna ang China na nakakuha ng 61% na sinundan ng Russia.

Ang nationwide survey ay ginawa noong December 2016 para alamin kung gaano katiwala ang mga Pilipino sa mga piling bansa at International Organizations.

1,200 ang respondents ng survey mula December 6 hanggang 11, 2016 sa pamamagitan ng face to face interview.

Ilan sa mga mahalagang pangyayari bago isinagawa ang survey ay ang pagkakahalal kay Donald Trump bilang ika-45 presidente ng Amerika;

Ang pag-congratulate ni Pangulong Duterte kay Trump at ang pahayag nitong hindi na makikipag-away sa US dahil si Trump ang nanalo.

Nangyari din sa mga panahong ito ang pag-uutos ni Pangulong Duterte na arestuhin ang gaming tycoon na si Mr. Jack Lam sa kasong bribery at economic sabotage kaugnay ng iligal na operasyon ng casino sa Clark, Pampanga.

Ang survey ay kasunod na rin pagkiling o pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa China at Russia para mapalakas ang ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas.

(Aga Caacbay / UNTV Correspondent)

Tags: ,