Mas malawak lockdown, hindi na kakayanin ng ekonomiya – DTI

by Erika Endraca | July 30, 2021 (Friday) | 6444

METRO MANILA – Pinangangambahang malulugi ang milyong milyong piso sa ekonomiya ng Pilipinas sa oras na muling isailalim sa pinakamahigpit na quarantine status ang Metro Manila at iba pang karatig na lugar.

Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ito ang dahilan kung bakit hindi pinayagan ng Inter Agency Task Force ang rekomendasyon ng Metro Manila mayors na isailalim muli sa 2 Linggong Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region.

Marami sa maliliit na negosyante ang hindi pa rin nakakabawi mula sa dati pang epekto ng ECQ, kaya’t nangangamba ang DTI na tuluyan nang malugi ang mga small and medium enterprises.

“Bawat lockdown, kaya hindi natin makakayanan uli ito, nawawala ang estimated million pesos na mga wages for a two-week lockdown like ‘yung nangyari na ECQ last March, pati mga negosyo, micro-small businesses, nagsara,”ani DTI Sec. Ramon Lopez.

Kung tutuusin, sa ngayon ay kaya pa naman tugunan ang naitatalang kaso ng mga COVID-19 sa Metro Manila.

Habang kontrolado at mahigpit ring binabantayan ng mga otoridad ang sitwasyon ng Delta variant.

Ipinunto ng dti na kung sakaling maghihigpit, limitahan lamang ito sa granular lockodowns sa mga LGU upang makapagtuloy pa rin ang mga negosyo, kalakalan at trabaho lalo na sa Metro Manila.

“We really have to take a balance holistic assessment dito, ngayon nakikita natin effective naman yung minimum public health compliance at kung saan kailangan doon naman nagkakaroon ng granular lockdown so that it keeps the economy going and we save jobs and livelihood” ani DTI Sec. Ramon Lopez.

Sa halip na malawakang lockdown, naniniwala ang DTI na mas dapat pagtuunan ang pagbabawal ng mass gatherings at super spreader events na sasabayan rin ng mas pinaigting na vaccination program.

Muli ring nagpapaalala ang ahensya sa mga business establishment at kumpanya na bumuo ng health at safety committee na makatutulong sa pagmomonitor sa kalagayan ng mga mangagawa.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: , ,