Mas malalim na imbestigasyon sa mga basura na ipinasok sa bansa mula Canada, hiniling

by Radyo La Verdad | May 25, 2015 (Monday) | 4348

ecowaste
Nagtipon sa labas ng tanggapan ng Bureau of Customs kaninang umaga ang grupong Ecowaste Coalition upang manawagan na magsagawa ng malaliman at transparent na imbestigasyon ang ahensiya kung paano naipasok sa bansa ang 48 pang container ng basura na galing Canada.

Una nang sinabi ng Customs nitong nakaraang linggo na bukod sa 50 container ng basura na una nilang nadiskubre noong isang taon, mayroon pang 48 container ang inabandona sa Manila International Container Port.

Napag-alaman na naipasok sa bansa ang mga container sa 4 na batch mula December 2013 hanggang Enero 2014.

Bunsod nito, isang sulat ang ipinaabot ng grupo kay Customs Commissioner Alberto Lina.

Hinikayat din ng Ecowaste ang Customs Bureau na paigtingin ang pagbabantay upang hindi makapasok at pigilang makapasok ang basura ng ibang bansa na pinalalabas bilang recyclable materials.

Giit ng grupo dapat kumukuha muna ang importer ng prior importation clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources kung ang ipapasok sa bansa ay recyclable materials upang maiwasan ang illegal waste trade.

Hinimok din ng grupo ang BOC na gawin na ang kaukulang hakbang upang maibalik sa Canada ang 98 container ng basura dahil delikado ito sa kalusugan.

Tutol ang grupo na rito na lamang sa bansa i dispose ang nasabing mga basura.(Victor Cosare/UNTV News )

Tags: , ,