METRO MANILA – Sinuspinde na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng number coding scheme para sa lahat ng pampasaherong bus sa Huwebes (October 31).
Ito’y upang bigyang daan ang pagdagsa ng mga pasaherong bibiyahe ngayong undas. Ayon kay MMDA Edsa Traffic Chief Edison Bong Nebrija, sa Huwebes rin bibiyahe ang bulto ng mga motorista na papuntang probinsya, kaya naman asahan na ang mas malalang traffic sa buong Metro Manila.
“Kailangan ng kooperasyon, magbaon po ng mahabang pasensya alam nyo po yung pagexit palang ng Metro Manila expect a build up in Magallanes and in Balintawak and in Mindanao Avenue”. Ani MMDA Edsa Traffic Chief Edison “Bong” Nebrija.
Kaugnay nito magpapakalat ang MMDA ng mahigit 2,000 mga traffic law enforcer upang magmando ng trapiko at makatulong rin sa clearing operations.
Kahapon ay inumpisahan na ng MMDA ang mahigpit na pagpapatupad ng nose in nose out policy sa mga bus terminal sa Cubao upang maiwasang tumukod ang trapiko. Sinisita rin ang mga taxi at bus na nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa maling lugar.
Kasama rin sa dinidisiplina ng MMDA ang mga pasahero na kung saan-saan nag-aabang ng masasakyan, pati na ang mga naglalakad sa labas ng bangketa. Itinataboy rin ng MMDA ang mga sidewalk vendor na nakaharang sa daraanan ng mga tao. Bukod sa pagmamando ng trapiko at clearing operations, aasiste rin ang pwersa ng mmda sa mga pasahero sa bus terminal at paglilinis ng kalat sa paligid ng sementeryo.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: MMDA, number coding scheme