Mas malaking diskwento para sa mga PUV driver, hihilingin ng DOE sa mga oil company

by Radyo La Verdad | May 25, 2018 (Friday) | 2481

Nakipagpulong ang Department of Energy (DOE) sa mga oil company upang hilingin na dagdagan pa ang ibinibigay nilang diskwento sa mga PUV driver.

Ayon kay Oil Industry and Management Bureau Asst. Director Rodela Romero, kinumbinsi nila ang mga industry player na kung maari ay gawing dalawang piso mula sa kasalukuyang piso kada litro ang ibinibigay nilang diskwento.

Mahigpit na binabantayan ngayon ng DOE ang paggalaw sa presyo ng langis na ngayon ay umaabot na sa mahigit seventy dollars na kada bariles.

Ayon sa DOE, kung aabot ito ng 80 dollars at tatagal ng tatlong buwan, posibleng hindi matuloy ang implementasyon ng 2nd tranch ng excise tax sa langis sa susunod na taon.

Inihahanda na rin ng DOE katulong ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Finance ang fuel voucher na ipamimigay bilang tulong sa mga PUV drivers.

Samantala, sumugod sa harapan ng tanggapan ng isang malaking oil company sa makati ang mga jeepney driver upang i-protesta ang patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon sa grupong Piston, hindi na makatwiran ang dalawang magkasunod na big time price hike na ipinatupad ng mga oil industry player.

Hinikayat nila ang pamahalaan na gumawa ng paraan upang maibsan ang epekto ng oil price hike sa publiko.

Hinihiling ng Piston na madaliin ng pamahalaan ang pagbibigay ng sabsidiya upang makatulong sa mga jeepney driver.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,