METRO MANILA – Inaasahan ng Magsasaka Partylist ang mas malaking budget para sa sektor ng agrikultura sa susunod na administrasyon para matugunan ang nagbabantang krisis sa pagkain sa buong mundo.
Sinabi ni Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa isang pahayag nitong June 22, maaaring matugunan agad ang pangamba sa krisis sa pagkain sa pamumuno ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA).
Aniya dapat maglagay ang gobyerno ng badyet na hindi bababa sa P400-B sa sektor ng agrikultura para matulungan ang mga magsasaka at iba pang manggagawa na makayanan ang pagtaas ng presyo ng mga pataba at langis, pagbabago ng klima, at iba pang pagkalugi dahil sa pandemya at mga kalamidad.
Titiyakin din ng iminungkahing badyet ang basic support services at imprastraktura at mabawasan ang mataas na halaga ng produksyon, marketing at labor-intensive farm practices.
Dagdag ni Cabatbat, makakamit ng Pilipinas ang soberanya sa pagkain kung uunahin ng gobyerno ang mga hakbang na susuporta sa mga lokal na magsasaka sa bansa.
Para kay Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, isang matalinong desisyon para sa papasok na administrasyon na unahin ang agrikultura dahil sa problema sa suplay ng pagkain sa bansa.
Iminungkahi ni Villafuerte na maaaring mahigitan ng susunod na pamahalaan ang “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte bilang suporta sa modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng paglalagay ng mga food terminal sa buong bansa na nakatuon sa pangunahing ani ng agrikultura sa kani-kanilang mga rehiyon.
(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)
Tags: agriculture