Mahigpit nang binabantayan ng Task Force Davao ang mga terminal sa Davao City kasunod ng ilang insidente ng pagsabog sa Mindanao noong mga nakaraang linggo.
Sa Davao City Overland Transport Terminal sa Ecoland, mula sa dalawa ay hanggang apat na linya na ang itinalaga para sa baggage inspection ng mga pasahero bago sila makapasok sa terminal.
Isa-isang iniinspeksyon ng TF Davao ang mga bagahe ng mga pasahero upang masigurong walang makalulusot na anumang pampasabog, armas at iba pang iligal na bagay, lalo na ngayong papalapit na ang holiday season at inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero,
Ang u-v express services naman na papasok sa lungsod ay nilagyan ng marshals at tracker teams ng Davao City Police.
Magugunitang noong November 18, dalawa ang nasugatan sa pagsabog sa isang passenger van na pumarada sa Ecoland terminal matapos magbaba ng pasahero mula sa Pikit, Cotabato.
Hindi naman tutol ang mga pasahero sa ginagawang paghihigpit ng mga otoridad kahit pa nakaka-abala ito sa kanilang biyahe.
Nagsasagawa na rin ng operation ang DCPO upang maalis ang mga iligal na terminal ng colorum na mga van sa lungsod.
Samantala, sa ngayon ay patuloy nang tinutunton ng mga otoridad ang kinaroroonan ng lalaking diumano’y naglagay ng bomba sa sumabog na uv express sa Ecoland terminal.
Nanawagan rin sila sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kinauukulan kung ang anumang impormasyon upang madakip ang suspek. (Janice Inhente/UNTV News)
Tags: Davao City Overland Transport Terminal, Task Force Davao