Mas mahigpit na inspeksyon sa mga establishment, panawagan ng isang labor group kasunod ng Davao Mall fire

by Radyo La Verdad | December 28, 2017 (Thursday) | 3431

Naniniwala ang Associated Labor Unions-TUCP na isa sa mga may kasalanan sa nangyaring sunog sa NCCC Mall sa Davao noong isang linggo ay ang Department of Labor and Employment o DOLE.

Bunsod nito ay nanawagan din ang grupo na alisin sa mga mall ang mga call center dahil hindi lapat ang disenyo ng istruktura nito para sa trabahong 24 hours ang operasyon at marami ang empleyado.

Hindi bababa sa tatlumpu’t anim na call center agents ang namatay sa sunog sa NCCC Mall kung saan umuupa ang BPO firm na Survey Sample Inc.

Pero ayon kay Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III, hindi niya alam kung ano ang pinagbasehan ng ALU-TUCP sa panawagan nito. Dapat muna aniyang hintayin ang resulta ng masinsinang imbestigasyon sa trahedya.

Ayon pa sa kalihim, isa sa dapat masagot ay kung bakit sa lobby natagpuang patay ang mga biktima gayong mas mabilis na dapat silang makalabas ng gusali.

Pero sa ngayon, masyado pa aniyang maaga upang manisi kung sino ang may kasalanan sa nangyaring sunog. Maaari aniyang may pagkukulang dito ang DOLE, ang engineer o kaya’y ang mismong may-ari ng mall.

Magbibigay naman ng tulong ang DOLE sa mga manggagawang nanganganib mawalan ng trabaho dulot ng sunog.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,