Mas mahal na presyo ng kuryente sa mga susunod na buwan, ibinabala ng Infrawatch PH

by Erika Endraca | November 28, 2019 (Thursday) | 7683

METRO MANILA – Posibleng tumaas muli ang singil sa kuryente at pinangangambahan rin ang mas madalas na browout simula sa Disyembre ayon sa grupong Infrawatch PH.

Ito’y dahil hindi pa rin umano naaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang 6 na bagong power supply agreement na pagkukunan ng suplay ng kuryente ng Meralco.

Ayon kay Dating Congressman at ngayon ay Infrawatch PH Convenor Terry Ridon, dapat ay noong November 22 pa nadesisyunan ng ERC ang naturang kontrata. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naisasapinal, gayong mage-expire na ang ilang psa ng Meralco sa December 26. Dahil dito posible aniyang kulangin ang suplay at tumaas ang presyo ng kuryente sa mga susunod na buwan.

“Natatakot po tayo na pagka nag-lapse po yung mga kontrata ng ilan pong tinatawag na PSAS ay kukuha po tayo ng kuryente sa spot market eh syempre alam naman po natin kapag hindi contracted price may tendency na sumipa yung presyo ng kuryente.” ani Infrawatch PH Convenor Terry Ridon.

Pero paliwanag ng ERC, hindi totoong matagal nang nakabinbin sa kanila ang bagong power supply agreement. Paliwanag ng tagapagsalita ng ERC na si Florensinda Digal, nitong October 22 lamang nila natanggap ang aplikasyon para sa anim na PSA. At sa ilalim ng batas mayroong 75 araw na palugit bago magisyu ang komisyon ng provisional authority sa mga ganitong kontrata.

“Hindi ko alam kung saan nanggaling yung notion na nagkakaroon ng delay, pagka file ng application sineset namin for hearing so may aksyon na kami, I think hindi lang naipaliwanag sa kanila na may proseso kasi bawat application na pina-file dito sa amin and gumagalaw yung application in accordance with the procedure.” ani ERC Spokesperson Floresinda Digal .

Giit ng ERC hindi sila papayag na mabinbin sa kanila ang mga kontrata na magreresulta sa kakapusan ng suplay at mas mataas na presyo ng kuryente sa mga consumer.

“This is what we want to assure the public whenever we receive applications tinitignan din namin kung ano yung magiging epekto nito at syempre hindi kami papayag na magkaroon ng deficiency sa supply just because something is pending with us.” ani ERC Spokesperson Floresinda Digal .

Sinubukan ng Untv News Team na kunin ang panig ng Meralco ukol sa isyu subalit hindi pa ito nagbibigay ng pahayag.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: