METRO MANILA – Pinag-aaralan ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang ilang special voting arrangements para sa 2022 elections habang nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
Kabilang na rito ang pagpapalawig sa oras ng halalan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms kahapon, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jiminez na mas pabor dito ang komisyon kaysa sa pagsasagawa ng 2 hanggang 3 araw na eleksyon.
“Medyo wary kami sa two to three days of election. The comelec is actually tending towards longer elections hours. Nakikita po natin sa ibang bansa, especially ‘yung malalaking elections, they do have elections that lasts for up to 12 hours. As far as the two to three days of elections, there’s been a lot of concern about that, there’s a lot of worry of what happens at night, I suppose.” ani Comelec Spokesperson James Jiminez.
Tinitingnan din ng comelec ang pagdagdag ng mga polling places para malimitahan ang bilang ng mga botante kada polling precinct katulad ng gagawing plebesito sa Palawan sa March 13.
Pero aminado ang comelec na mangangailangan ito ng mas malalaking lugar at mas maraming tauhan para masigurong masusunod ang health protocols.
Bukas din ang comelec para sa early voting para sa mga kabilang sa vulnerable sector gaya ng senior citizens at persons with disability.
Ayon naman sa UP-college of public health, kasama sa panuntunan ng World Health Organization (WHO), ang pagkakaroon ng special arrangement para sa mga indibidwal na nasa isolation facilities, high risk voters at maging ang mga staff na kabilang sa vulnerable sector.
Ayon sa comelec, pinag-aaralan na rin ang pagdadala ng balota sa mismong quarantine centers para makaboto pa rin ang mga magpopositibo sa Covid-19.
Magkakaroon din ng triage kung saan may hiwalay na polling precinct ang mga makikitaan ng sintomas ng Covid-19.
Samantala, magsasagawa ang comelec kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng mock online voting sa ibang bansa sa pebrero para masubukan ang pagboto gamit ang internet.
Nakikipag-usap na aniya sa mga ahensya ang apat na potential suppliers.
Paglilinaw naman ng comelec, mangangailangan pa ng batas na magpapahintulot sa online voting sa Pilipinas.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: COMELEC, Election 2022