Mas mabilis na internet connection, posibleng maibigay ng ikatlong telco player sa kabila ng kakaunting frequency na natitira para dito

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 7306

Mas mabilis na internet ang maibibigay ng papasok na Telco Company ayon sa Department of Information and Communication Technology, ito ay dahil sa gagamit ng fixed line internet connection ang bagong telco.

Ito ang klase ng internet na hindi naka depende sa mga cell sites kundi sa mga kable at linya. Isang halimbawa ng fixed line na internet ay ang wifi sa mga MRT station. Mas mabilis umano ito kumpara sa internet na makukuha sa mga cellsites.

Sinubukan ng UNTV News Team na kumonekta sa isang fixed line na internet. Ayon sa speed test na ginawa ng news team, umabot sa 36 mega bits per second ang bilis ng internet sa isang fixed line, mabilis ito kumpara sa internet na makukuha gamit ang mga cellsite.

Tututok ang bagong telco player sa mga internet user na nasa bahay at mga opisina gamit ang fixed line connection.

Sa Pamamagitan nito, ma de-decongest ang internet traffic, bibilis ang internet na galing sa cellsites at bibilis rin ang internet sa gumagamit ng fixed line.

Sa ngayon, halos lahat ng gumagamit ng internet ay naka-depende sa mga cellsites.

Bukod dito, isinusulong ngayon sa Senado ang telecommuting bill ni Senador Joel Villanueva na kung saan lahat ng trabaho at leksyon na pwede sa internet ay sa bahay na lamang gagawin. Makakatulong ito upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Subalit magkakaroon lamang ito ng katuparan kung bibilis ang internet sa bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,