Mas mabigat na trapiko sa susunod na Linggo, asahan na – MMDA

by Erika Endraca | December 17, 2019 (Tuesday) | 164704

METRO MANILA – Tiniyak ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) isang linggo bago ang opisyal na holiday season, na may sapat na bus na masasakyan ang mga pasaherong bibiyahe pauwing probinsya.

Ito’y matapos na aprubahan ng LTFRB ang special permit ng halos 1,000 mga pampasaherong bus.

Ang bus na nabigyan ng special permit ay bibiyahe sa mga probinsya sa Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol at mga lugar sa Visayas at Mindanao Region.

Epektibo ang special permit mula December 23 hanggang sa January 3, 2020.

Kaugnay rin nito nagpaalala si LTFRB Chairman Martin Delgra sa mga bus operator na mahalagang may kapalitan ang kanilang mga driver kapag hihigit na sa anim na oras ang kanilang pagmamaneho.

“Whatever be the case we always remind them  na on the road there’ nothing like having to remind them always to be safe on the road, be mindful of the road rules and regulations and be mindful of the safety of the passengers” ani LTFRB Chairman Atty.Martin Delgra III.

At dahil madadagdagan ang mga bus na bibiyahe, nagabiso na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na asahan na ang lalo pang paglala ng trapiko sa susunod na lLnggo.

“Kasi ayaw nilang magbayad ng terminal fee so that’s what they do they is they crawl edsa nagba-barker yung konduktor getting chance passengers eh hindi naman namin pwedeng payagan yun because they will delay the flow of traffic on edsa” ani MMDA Traffic Chief, Edison “Bong” Nebrija.

Bukod sa dagdag na mga bus, makadaragdag rin sa lalo pang pagbigat ng traffic ang mga last minute shoppers.

“The week before christmas eh dyan po talaga yung bulto dahil yan yung peak ng traffic because yan na yung christmas rush na tinatawag lahat nagaapura na mamimili, yung hindi pa nakakapamili,unang una yung mga galing sa ibang bansa yung ibang galing sa probinsya na dito magpapasko eh they will take advantage of this opportunity na mamasyal” ani MMDA Traffic Chief, Edison “Bong” Nebrija.

Dahil dito hinihikayat naman ng MMDA ang publiko na mag carpooling o sumakay na lamang ng mga pambulikong sasakyan upang makabawas sa traffic.

Samantala, naka-alerto na rin ang buong pwersa ng Department of Transportation(DOTr) kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal, pantalan at paliparan ngayong holiday season.

Kahapon (Dec. 16) inilunsad ng DOTr ang oplan biyaheng ayos para sa holiday season na tatagal hanggang sa January 5,2020.

Samantala nakatakda namang mag-inspeksyon sa mga bus terminal ang grupo ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) upang masiguro ang maayos at nakakondisyon ang mga bus para sa ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , ,