Isinusulong sa mababang kapulungan na gawing mas mabigat ang parusa sa mga ospital at klinika na hindi susunod sa Anti-Hospital Deposit Law.
Nakapaloob ito sa House Bill 3046 na inihain ni Davao City Representative Paolo Duterte, kasama sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap.
Base sa panukala, itataas sa P5 milyon ang kasalukuyang P1 milyong piso na multa sa mga ospital at klinika na humihingi ng deposito bago tanggapin ang mga taong nanganganib ang buhay.
Sa ilalim ng panukala ni Duterte, ang empleyado o medical practitioner na lalabag dito ay pagmumultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon at kulong na apat hanggang anim na taon.
Kung ang paglabag ay dahil sa polisiya ng ospital, ang direktor o opisyal na gumawa nito ay maaaring makulong ng anim hanggang labindalawang taon at multang P2 milyon hanggang P5 milyon.
Kakanselahin naman ang permit to operate ng pasilidad na aabot sa tatlong beses ang paglabag.