Mas mababang singil sa systems loss, epektibo na ngayon buwan

by Radyo La Verdad | May 22, 2018 (Tuesday) | 1932

Isang resolusyon ang inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nag-uutos sa lahat ng electric company na bawasan ang kanilang singil sa systems loss.

Tatlong porsyento sa binabayarang electric bill ng mga consumer ay galing sa systems loss.

Mula sa 8.5%, ginawa na lamang ng ERC na hanggang 6.5% ang dapat singilin na systems loss ng mga distribution utilities sa kanilang mga customer, bababa ang system loss cap taon-taon hanggang sa 2022. Mararamdaman ng mga consumer ang pagbaba sa singil sa kuryente sa Hunyo.

Ang systems loss ay maihahalintulad sa pag-iigib ng tubig mula sa malayong lugar, kahit punuin ang balde ng tubig, nababawasan ito habang naglalakbay patungo sa pupuntahang lokasyon. Bago pa man makarating, bawas na ang tubig na inigib; ganun din ang kuryente, mas malayo ang nilalakbay, mas marami ang nababawas”

Isa pang pinagmumulan ng systems loss ay ang pagnanakaw ng kuryente o pagkakabit ng jumper na umano’y talamak sa mga depressed area.

Pero ayon sa ERC, maaaring maiwasan ang systems loss kung magiging mas maganda ang mga pasilidad ng mga electric company.

Sa ngayon ay nag a-upgrade ang Meralco ng kanilang mga pasilidad upang mabawasan ang nawawala ng kuryente sa kanila.

Mas mahigpit rin ang pagbabantay sa mga nagnanakaw ng kuryente, gumagawa rin ng paraan ang Meralco upang mapigilan na ang pagkakabit ng jumper.

Pabor naman ang mga consumer group sa resolusyon na inilabas ng ERC.

Samantala, una ng inanunsyo ng Meralco na bababa ang kanilang singil sa kuryente ngayong Mayo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,