Mas mababang COVID-19 alert level sa Metro Manila, posibleng ipatupad sa Disyembre ayon sa Malacañang

by Erika Endraca | October 20, 2021 (Wednesday) | 869

METRO MANILA – Gayunman, binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi ito mangyayari kung magpapabaya ang publiko at hindi mag-iingat.

“Titingnan natin ang datos pagdating ng end of the month kasi talagang tayo ay data-driven. So kung talagang further bababa iyong mga daily case average at two weeks attack rate at saka ang ating health care utilization rate, anything is possible. Pero hindi po ito mangyayari kung magpapabaya po ang ating mga kababayan. So importante po na habang nandiyan pa si covid, patuloy po ang ating minimum health standards – mask, hugas, iwas at siyempre po bakuna dahil sagana po tayo ngayon sa bakuna.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, bukod sa Metro Manila epektibo na rin ngayong araw hanggang sa katapusan ng buwan ang COVID-19 alert level system sa 19 na iba pang lugar sa bansa.

Nasa Alert Level 4 ang Negros Oriental, at Davao Occidental. Nasa alert level 3 naman ang Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao Del Norte.

Alert level 2 naman ang 11 lugar sa bansa kabilang na Ang Batangas, Quezon Province, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu Province, Davao de Oro, Davao del Sur at Davao Oriental.

“Ito ay kabahagi pa rin ng pilot study, kung mapapansin ninyo po, ilang rehiyon pa lang ang na-include dito po sa pilot study. Pero sabihin na po natin na ang pagbaba po ng mga kaso tsaka pag-improve ng health care utilization rate ay parang may kinalaman po sa alert level na inilagay natin sa metro manila dahilan para palawigin pa natin yung ating pilot implementation.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa mga lugar na hindi kabilang sa COVID-19 alert level system, mananatili ang pag-iral ng community quarantine.

Kung magiging maganda naman ang resulta ng bagong estratehiya kontra pandemya, posibleng maipatupad na rin ang alert level system sa buong bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)