Magkakaroon ng magandang pagpasok ang taong 2018 para sa pambansang ekonomiya ayon sa National Economic Development Authority.
Ayon kay NEDA Secretary Ernesto Pernia, ngayong taon umabot na sa 6.7 percent ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa loob pa lamang ng tatlong quarter o siyam na buwan. Noong 2016 nakapagtala ng 6.9 percent growth ang Pilipinas.
Umaasa ang NEDA na mag tutuloy-tuloy ang magandang ekonomiya ng bansa sa pagtatapos ng taon at lalo na sa pagpasok ng 2018.
Ang pagtatayo ng Clark International Airport na magkakaroon ng groundbreaking sa ika-20 ng Disyembre, commuter railway sa Los Baños at Tutuban at ang niratipikahang tax reform bill ay kabilang sa mga pinakainaabangang proyekto sa susunod na taon.
Ayon sa NEDA naging pinakamalaki ang kontribusyon ng mga sector ng manufacturing services at agrikultura sa pag-unlad. Kasabay nito, patatatagin din ng Pilipinas ang relasyon sa ibang mga bansa para sa mas maigting na pamumuhunan.
Samantala, wala umanong magiging malaking epekto sa ekonomiya ang pag-extend ng martial law sa Mindanao. Sinang-ayunan naman nito ng ilang eksperto. Para sa kanila, ang seguridad na dala ng mga militar sa rehiyon ay magdadala ng kumpiyansa sa mga investors.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: martial law extension, NEDA, Pilipinas