Martial law extension sa Mindanao, irerekomenda ng AFP at PNP kay Pangulong Duterte; ilang mamatatabas, tutol

by Radyo La Verdad | December 3, 2018 (Monday) | 2831

Nais ng Sandatahang Lakas at ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na palawigin pa ng isang taon ang batas militar sa buong rehiyon ng Mindanao.

Ayon kay AFP Chief of Staff Carlito Galvez Jr., ito ay dahil hindi pa rin umano tuluyang tumitigil ang mga teroristang grupo sa paghahasik ng gulo.

Gaya nalang umano ng mga pagpapasabog na nangyari sa Barangay Colonia, Lamitan City, Basilan nitong ika-31 ng Hulyo na ikinamatay ng 10 sibilyan, Sultan Kudarat bombing noong ika-29 ng Agosto na may 2 casualty at ang pagpapasabog nito lang buwan ng Setyempre sa General Santos City na ikinasugat ng walong indibidwal.

Ang panukalang martial law extention ay irerekomenda ni Galvez kay Defense Secretary Delfin Lorenzana upang mapag-usapan sa isasagawang command conference sa sunod na linggo.

Suportado rin ito ng Philippine National Police (PNP).

Tutol naman sa martial law extension ang Makabayan congressmen dahil ang target umano ng AFP ay ang mga kritiko ng administration.

Ayon kay Senator Aquilino Koko Pimentel III, bukas naman ang mga senador sa panukalang ito ngunit kailangan munang idepensa ito ng mga opisyal na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas militar.

Naniniwala naman ang Malacañang na posibleng mahikayat si Pangulong Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao dahil umano sa bilang ng mga mamamayang sumusuporta rito.

Ngayong ika-31 ng Disyembre matatapos ang ikalawang martial law extension.

Ang Kamara at Senado ang mag-aapruba sa panukalang palawigin ang martial law oras na isumite ng Pangulo sa Kongreso ang kanyang rekomendasyon.

Ayon naman kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., handa ang Kamara na ibigay ito sa Pangulo, pero dadaan ito sa deliberasyon at kukunsultahin nila ang mga kongresista mula sa Mindanao.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,