Sarado ang mga stall at hindi nagtinda ang mga vendor sa Sta. Ana Market ngayong araw bilang protesta sa Joint Venture Ordinance ng Manila City Government upang isaayos ang mga pampublikong palengke sa lungsod.
Nagsagawa rin ng market holiday sa San Andres, Sampaloc, Trabajo at iba pang public markets.
Sa halip na magtinda nagprotesta sa tapat ng Manila City Hall ang mga vendors upang tutulanang joint venture ordinance.
Pangamba ng grupo dahil isasailalim sa Private Public Partnership ang rehabilitasyon sa mga palengke magiging pribado na ang mga pampublikong pamilihan at lalaki narin ang kanilang renta sa pwesto.
Sa isinagawang dayalogo ng mga vendors at Manila Mayor Joseph Estrada nitong hapon sinabi ni estrada na hindi mapupunta sa pribadong kumpanya ang pamamahala ng public market.
Ayon kay Estrada, ang board na mamamahala ng public market ay binubuo ng 3 kinatawan mula sa city government, isang representative ng mga vendors at isa mula sa private company na katuwang sa proyekto.
Paliwanag ng alkalde kailangang idaan sa joint venture ang pagsasaayos sa palengke dahil hindi kaya ng City Government.
Tiniyak ng alkalde na mananatiling nasa ground floor ang public market.
Protektado rin ayon sa Mayor ang mga vendor sa papasuking kasunduan ng City Government dahil hindi sa kanila babawiin ang ginamit na pondo sa pagsasaayos ng public market.
Kikita ang private partner companies sa mga parking space at iba pang pasilidad bukod sa public market.
Humingi lamang si Erap ng pang unawa at kaunting sakripisyo sa mga vendors habang isinaaayos ang mga palengke
Ikinatuwa naman ng mga vendors ang resulta ng pag uusap.
Ayon kay Estrada kaya nagkaroon ng problema dahil nililito umano ng mga kalaban niya sa pulitika. (Victor Cosare /UNTV News )