Mark Ventura, inihayag na mayroong pumigil upang dalhin agad sa ospital si Atio

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 8659

Limitado lamang ang detalye na ibinigay ng Aegis Juris Fraternity member turned state witness na si Marc Ventura sa muling pagpapatuloy ng pagdinig ng senado sa kaso ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ayon sa mga senador, ito ay upang hindi makaapekto sa kaso. Kabilang sa isinalaysay ni Ventura ang mga huling sandali ni “Atio” sa initiation rites noong September 17.

Aniya, apat ang halinhinang pumapalo kay Atio bago ito nawalan ng malay. Nagawa pa anila itong i-upo at kausapin matapos bumagsak ngunit hindi na ito nagrerespond. Kwento pa ni Ventura, tumagal ng nasa tatlumpung minuto bago dalhin sa ospital si Atio.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya sina Senators Juan Miguel Zubiri at Grace Poe kay John Paul Solano na una nang inaasahang magbibigay ng konkretong detalye sa krimen. Dahil ito sa tila pagninisi ni Solano sa sakit sa puso ni Atio kaya ito nasawi.

Gayunman, taliwas ito sa resulta ng final autopsy ng PNP kay Castillo. Muli namang umapela ang magulang ni Atio na tuluyan nang ipagbawal ang hazing.

Samantala, mananatili namang nakadetine sa senado ang itinuturong lider ng Aegis Juris na si Arvin Balag habang hinihintay ang resulta ng petisyon nito sa Korte Suprema.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,