Pinagbigyan ng Quezon City RTC Branch 82 ang hiling ni Lt.Col Ferdinand Marcelino na makapag pyansa habang sumasailalim sa preliminary investigation ang reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na isinampa laban sa kanya.
May kinalaman ito sa pagkaka aresto kay Marcelino sa isang pagawaan ng shabu sa Sta Cruz Manila nitong nakaraang Enero.
Batay sa resolusyong inilabas ni Presiding Judge Lyn Ebora Cacha, may karapatang magpyansa si Marcelino dahil wala pang nakasampang kaso laban dito.
Katwiran ng korte, kung pinapayagang magpyansa ang isang akusado sa non-bailable offense kapag mahina ang ebidensiya, lalong may karapatang makapagpyansa si Marcelino dahil wala pang kasong naisasampa sa kanya at wala pang finding ng probable cause ang DOJ sa isinampang mga reklamo ng pdea at PNP-Anti Illegal Drugs Group.
Hindi rin aniya naipakita ng prosecution na posibleng takasan ni Marcelino ang reklamong isinampa sa kanya bukod pa sa opisyal ito ng Philippine Navy at nasa bansa ang kanyang pamilya.
Isang milyong piso itinakdang pyansa ng korte para sa pansamantalang paglaya ni Marcelino.
Bukod dito, nagbigay ng mga kondisyon ang korte para sa pansamantalang paglaya ni Marcelino.
Ipinasusuko sa korte ang kanyang passport at maglalabas ang korte ng hold departure order laban sa kanya.
Dapat ding mangako si Marcelino na dadalo siya sa bawat pagdinig ng DOJ at ng korte patungkol sa reklamo at dapat ipagbigay-alam niya sa korte kung lilipat siya ng tirahan.
Sa kasalukuyan na silang lumilikom ng sapat na halaga upang mapiyansahan ito.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ang hiling na makapagpyansa ng Chinese National na si Yan Yi Shuo alyas Randy na kasamang naaresto ni Marcelino.
Ayon sa korte, bagamat wala pa ring kaso si alyas Tandy, malakas ang ebidensiya laban dito.
Magugunitang may hawak-hawak na shabu si alyas Tandy nang maaresto ito ng PDEA at PNP-AIDG at sa kanya nakuha ang susi ng bahay at sasakyan kung saan nakuha ang mga kontrabando.
Bukod dito, may posibilidad rin na tumakas ito palabas ng bansa kapag pinayagang makapagpyansa.
(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)