Marcos admin, nais maabot ang single-digit na antas ng kahirapan sa PH

by Radyo La Verdad | December 25, 2023 (Monday) | 3360

METRO MANILA – Prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior na maabot ang single-digit na antas ng kahirapan sa bansa.

Ginawa ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang pahayag kasunod ng bahagyang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong mga mahihirap sa unang semester ng 2023 batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Naitala ang 22.4% na poverty incidence, mas mababa sa 23.7% sa kaparehong period noong 2021.

Katumbas ito ng 25.24 million na mga Pilipinong hindi sapat ang kinikita upang tustusan ang pangangailangan sa unang semester ng 2023.

Ibig sabihin, mula 2021, nasa 900,000 kababayan naman ang naalis sa kahirapan.

Ayon kay Sec. Balisacan, ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya at pagtatanggal ng lahat ng COVID-19 restrictions noong 2022 ang dahilan upang tuluyang maka-recover ang bansa mula sa epekto ng pandemiya at mga polisiyang ipinatupad ng pamahalaan dahil sa krisis.

Kaya naman ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga inisyatibo upang maingat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Gaya ng pagdadagdag ng mga trabahong may mataas na kalidad at may mataas na pasahod.

Gayundin ang pagkakaroon ng mga polisiyang makapaghihikayat ng mas maraming pamumuhunan, kalakalan at innovation sa bansa.

Tags: , ,