Marcelito Pomoy, nagpasalamat sa WISH 107.5 na naging daan na madiskubre sa The Ellen Degeneres Show

by Radyo La Verdad | November 6, 2018 (Tuesday) | 14070

Hinangaan sa bansa si Marcelito Pomoy dahil sa kanyang kakayahang kumanta sa parehong boses ng lalaki at ng babae.

At dahil sa wishclusive performance niya ng awiting “The Prayer”, hindi lamang sa Pilipinas napansin si Marcelito kundi maging sa ibang bansa.

Katunayan, hanggang ngayon ay number 1 pa rin sa trends list ng Youtube Philippines ang pag-awit ni Marcelito sa The Ellen Degeneres Show kung saan nakatanggap ito ng standing ovation.

Ayon kay Marcelito, masaya siya na sa pamamagitan nito ay nakapagbigay siya ng karangalan sa mga Pinoy.

Sa pamamagitan rin ng pamosong show ay mapalad ding naimbitahan si Marcelito sa nalalapit na show ng favorite singer nito na si Celine Dion sa Las Vegas.

Kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat ni Marcelito sa Wish 107.5 na naging daan para maimbitahang makaawit sa international stage.

Samantala, nakatutok naman ngayon si Marcelito para sa pag-eensayo sa nalalapit na A Song of Praise Year 7 Grand Finals.

Ayon sa kanya, malapit sa puso niya ang awit na “Pagbabalik” ni Joel Jabelosa. Masaya naman si Marcelito na makapagbigay inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng awit papuri.

Ang ASOP Year 7 Grand Finals ay isasagawa sa New Frontier Theater, dating KIA Theater sa ika-11 ng Nobyembre.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,