Marawi crisis, nagdulot ng kawalan ng tiwala ng mga residente ng lungsod – Mayor Gandamra

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 5964

Ilang buwan pa lang sa pwesto, paulit-ulit nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa banta ng terorismo sa Mindanao.

Habang nasa Russia ang pangulo para sa isang official visit, may 23 pumutok ang gulo sa Marawi City. Naging dahilan ito para magdeklara ang pangulo ng martial law sa Mindanao.

Naging mitsa ng krisis ang tangkang paghuli ng mga otoridad kay Isnilon Hapilon, ang lider ng Abu Sayyaf at itinuturing na emir ng ISIS sa Southeast Asia.

Ang inakalang ilang araw lang na gulo, tumagal ng 5 buwan dahil planado at nakapag-imbak ng mga baril at bala sa syudad ang Maute ISIS terrorist group. Kasama rin ng mga ito ang ilang foreign terrorist.

Hindi naging sapat ang 60 day period ng martial law kaya nakiusap sa Kongreso ang pangulo na palawigin ito.

October 16, 2017, napatay sa isang operasyon si Omar Maute at Isnilon Hapilon. Kinabukasan ay idineklara ng pangulo na malaya na ang Marawi City. Pero sa kabila ng pagtatapos ng Marawi Crisis, pinalawig pa hanggang December 31, 2018 ang martial law sa Mindanao.

Sa kaniyang talumpati, inako ng pangulo ang responsibilidad sa mga pagkukulang ng pamahalaan sa Marawi crisis.

Aminado naman si Marawi City Mayor Majul Gandamra na may negatibong epekto sa mga residente ang nangyaring krisis.

Sa isang evacuation center sa Marawi, ilang volunteer teachers ang nagtuturo sa mga bata kaugnay sa masamang epekto ng gyera para labanan ang impluwensya ng mga terorista. Ilan sa mga nasawi sa bakbakan ay mga kabataang naimpluwensyahan ng mga bandido.

Para sa ilang eksperto, ang nangyaring krisis sa Marawi ay patunay na hindi ligtas sa terorismo ang Pilipinas; isang hamon na kailangang harapin ng pamahalaan at sambayanan.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,