Maraming Pilipino, nasisiyahan pa rin sa takbo ng demokrasya sa bansa – SWS survey

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 4856

78 porsyento ng mga Pilipino ang satisfied o nasisiyahan sa pag-iral ng demokrasya sa bansa batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Dalawang puntos ang ibinaba nito kumpara sa 80 percent rating noong Hunyo 2017.

Kinuha ang survey noong ika-23 hanggang ika-28 ng Marso sa pamamagitan ng panayam sa 1,200 respondents sa buong bansa.

Samantala, 60 na porsyento naman ng mga Pilipino ang mas gusto ang demokrasyang pamamalakad sa pamahalaan kaysa anomang uri ng gobyerno at 19 na porsyento lamang ang nais ang authoritarian rule batay din sa naturang survey.

Sa kaniyang mensahe para sa paggunita ng kasarinlan ng Pilipinas, hiniling ni Pangulong Duterte na patuloy na maipagtanggol ang kahalagahan ng demokrasya ngayon at sa panahong darating.

Ito aniya ay bilang pagpupugay sa mga sakripisyo ng ating mga ninuno na gumanap ng kanilang tungkulin alang-alang na makamit ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.

Nanawagan din itong iwaksi ang korupsyon, iligal na droga at kriminalidad na humahadlang aniya sa pag-usad ng Pilipinas at manatiling manindigan upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang lahat ng mga Pilipino anoman ang estado sa buhay.

Samantala, bago mag-umpisa ng talumpati ang pangulo, ilang kabataang miyembro ng militanteng grupo ang nangantiyaw sa punong ehekutibo.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Duterte na ‘di pinipigilan ang freedom of expression at binilinan ang mga tauhan ng pulisya na magpatupad ng maximum tolerance.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,