Paglilitis sa kasong graft nina dating OMB Chair Ronnie Ricketts at iba pa, sinimulan na

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 1224

SANDIGANBAYAN
Iniharap na kanina ng prosekusyon ang unang testigo para sa paglilitis sa kasong graft nina dating Optical Media Board Chairman Ronnie Ricketts, Executive Director Cyrus Paul Valenzuela at iba pang akusado.

Sa trial sa Sandiganbayan 4th division, kinumpirma ng dating security guard ng OMB na si Pedro Gasingan na nagsauli nga ang ahensya ng 127 boxes at dalawang sako ng pirated vcds at dvds sa kumpanyang Sky High Marketing Corp noong may 2010.

Ang mga ito ay nakumpiska sa raid na isinagawa ng OMB noong araw ding iyon.

Ayon kay Gasingan, inutusan siya ng ahente ni Ricketts na si Glenn Perez na ilabas na sa compound ng OMB ang mga kumpiskadong vcds at dvds kahit wala itong gate pass.

Kwento niya, kinumpirma pa niya ito kay Executive Dir. Cyrus Paul Valenzuela at sinabi sa kanya na sundin ang utos kung galing ito kay Ricketts.

Ngunit paliwanag naman ni Valenzuela, hindi niya ipinagutos ang pagbabalik ng kumpiskadong dvd at vcds.

Dagdag pa nito, nagkaroon umano ng sabuwatan sa loob ng opisina upang hindi na imbestigahan ang operasyon.

Ayon sa impormasyon ng kaso, lumabag ang mga opsiyal ng OMB sa anti-graft and corrupt practices act dahil sa maaaring pakinabang nila sa pagbibigay ng “unwarranted benefits” o pabor ng OMB ang kumpanyang Sky High Marketing Corporation.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang kampo ni Ricketts.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,