Manufacturing ng mga rerentahang voting machines para sa 2016 elections gagawin na sa Taiwan imbes na sa China

by Radyo La Verdad | September 16, 2015 (Wednesday) | 1318

victor_bautista
Hindi na sa China ima-manufacture ang mga bagong OMR machine na rerentahan ng Commission on Elections para sa 2016 elections.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista ililipat ang manufacturing ng mga makina sa Taiwan dahil sa pangambang maapektuhan ito ng resulta ng arbitration sa territorial dispute sa West Philippine sea.

Ayon kay Commissioner Christian Robert Lim kasama sa tinalakay sa isinagawang contract negotiation ng COMELEC at ng winning bidder na Smartmatic na ilipat ang lugar ng manufacturing sa mga bagong OMR machine.

Ito ay bunsod ng intelligence information na natanggap ng COMELEC mula sa military noong hunyo na balak ng China na isabotahe ang halalan sa Pilipinas.

Inaasahang sa Enero ilalabas ang desisyon ng arbitral tribunal sa inihaing reklamo ng Pilipinas laban sa China kaya iniiwasan ng COMELEC ang pagka-delay sa delivery ng mga makina kung sa China ito gagawin.

Balak namang mag inspekyon ng mga miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang pasilidad sa taiwan kung saan gagawin ang mga OMR machine.

Posibleng sa kalagitnaan ng nobyembre isagawa ang inspection, ayon kay Marlon Garcia, ang project manager ng Smartmatic.

Tiniyak naman ni Garcia na hindi makaka apekto sa timeline ang paglilipat ng manufacturing site.
Sa katapusan ng Enero inaasahang makukumpleto na ng smartmatic ang pagdeliver sa 93,977 na mga bagong voting machine.

Samantala, sinabi rin ng Smartmatic na handa itong tumulong na mairefurbish ang nasa 6,000 lumang PCOS machine ng libre.

Una nang sinabi ng COMELEC na balak pa nitong linisin ang ilan sa mga lumang makina upang magsilbing pandagdag at magamit sa 2016 polls.(Victor Cosare/UNTV Correspondent)

Tags: ,