Manila Mayor Isko Moreno, ipinag-utos na linisin ang Bonifacio Shrine sa Maynila

by Radyo La Verdad | July 10, 2019 (Wednesday) | 4079
PHOTO: Manila PIO

“Mapanghi at binaboy,” ito ang naging komento ni Manila Mayor Isko Moreno nang inspeksyunin ang Andres Bonifacio Monument at Jacinto Shrine sa Maynila.

Pinuna ng Alkalde ang masangsang na amoy mula sa mga ihi at dumi sa mga lugar at ang pag-vandalize sa mismong mga rebulto.

Nanawagan din ang Akalde sa mga nagtitinda sa may Cartilla ng Maynila na kusa nang umalis sa lugar dahil nais din nito na ibalik sa dating ‘parke’ ang lugar.

Ayon kay District Engineer Josephine Saing, tapos na ang kontrata ng mga naturang vendor upang magbenta sa nasabing lugar. Matapos nito, agad na ipinag-utos ni Moreno na magsagawa ng flushing sa mga naturang monumento upang ma-sanitize ang lugar at papinturahang muli ang mga rebulto.

Samantala, nasa District 2 sa may Abad Santos st. upang inspeksyunin ang access road na bubuksan para sa apat na eskwelehan na nasa sa lugar.

Sa ngayon, patuloy ang clearing and cleaning operations ng Department of Engineering and Public Works of City of Manila para sa pagsasaayos ng parke at mga monumento.

Inaasahan namang babalik sa Andres Bonifacio Manument si Mayor Isko Moreno Domagoso upang masiguro ang ginagawang operasyon.

(Harlen Gelgado | UNTV News)

Tags: , ,