Manila Infectious Disease Control Center handa na vs COVID-19

by raymond lacsa | March 18, 2020 (Wednesday) | 3179



Pormal na pinasinayaan noong Martes, ika-17 ng Marso ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) sa Sta. Ana Hospital, ika-6 na distrito.

Ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, handa ang MIDCC upang tumanggap ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

“Tapos na po ang ating bagong Manila Infectious Disease Control Center sa Sta. Ana Hospital, operational at ready na po s’ya para kalingain ang mga kababayan natin maaring magkasakit tungkol sa kinakaharap natin na COVID-19,” pahayag ng alkalde.

Pinasalamatan rin ni Domagoso ang direktor ng Sta. Ana Hospital na si Dra. Grace Hermoso Padilla at ang punong-kawani ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) na si Engr. Armand Andres sa agarang pagtatayo ng MIDCC.

Taos-puso ring nagpasalamat ang alkalde sa mga frontliners lalo na ang mga doktor at nurse na nagsasakripisyo upang tiyaking ligtas ang bawat Manileño.

“Alam ko po na hindi magiging madali ang bigyan ng agaran at sapat na medical attention ang mga magiging pasyente natin na mga taga-Lungsod, ngayon pa lamang maraming salamat na sa inyo at sa inyong pamilya,” aniya.

“Isasama namin kayo sa aming mga dalangin sa Panginoon Diyos, para sa inyong kaligtasan at kalusugan,” taimtim na pahayag ng alkalde.

AlertoManileno #COVID19PH



Tags: , ,