Manhunt operation sa mga kabataang nakatakas sa Bahay Tanglaw Pag-asa sa Bulacan, nagpapatuloy

by Radyo La Verdad | August 2, 2017 (Wednesday) | 4431

Patuloy na pinaghahanap ng Bulacan PNP at mga tauhan ng Bulacan Provincial Jail ang labindalawa sa dalawamput tatlong mga children in conflict with the law o mga menor de edad na nagkasala sa batas na tumakas mula sa Bahay Tanglaw Pagasa Youth Rehabilitation Center sa Malolos Bulacan noong Lunes ng gabi.

Una ng naibalik kahapon sa reformation center ang labing isa sa mga ito matapos ang isinagawang manhunt operation ng mga otoridad.

Ayon sa DSWD, sinira  ng  mga  ito  ang  rehas ng bintana  sa  cr, pagkatapos  ay kumuha na ng kumot  na  pinagtali-tali  upang makababa mula sa ikalawang  palapag  ng  building. Posible anila na ang paghihigpit sa patakaran ng rehabilitation center ang dahilan kung bakit tumakas ang mga kabataan.

Ayon sa DSWD, nakikipagtulungan naman sa kanila ang ilang mga magulang ng mga tumakas na kabataan upang maibalik ang mga ito sa rehab center.

Iniimbestigahan naman nila kung may naging pagkukulang ang dalawang jail guard na nakaduty noong mangyari ang insidente.

Sa tala ng DSWD  isandaan at tatlumput anim na menor de edad na may mga kaso gaya ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, rape at pagnanakaw ang nasa kustodiya  ng Tanglaw  Pag-asa Youth Rehabilitation  Center.

 

(Nestor Torres / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,